Binigyang katwiran ng Malakanyang ang pag-waive sa negatibong RT-PCR COVID-19 test result bilang requirement para sa domestic tourists.
Kasunod ito ng paiba-ibang desisyon ng pamahalaan sa pagpapaluwag ng border restrictions para sa mga fully vaccinated domestic tourists.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sa usapin ng siyensya, wala namang 100 porsyentong garantiya na hindi na magiging carrier ng virus ang isang indibidwal na negtibong sa swab tets.
Maging ang bakuna aniya ay hindi rin 100 percent na garantiya na hindi na magkaka COVID-19 ang isang indibidwal.
Aniya, pwede pa rin itong tamaan ng virus pero hindi na inaasahang magiging malala.
“It was decided na because you are fully vaccinated, as a way of incentivizing at saka ang siyensya naman diyan ‘pag nabakunahan ka na ang probability na magkakasakit ka nang malala is almost none ‘no. So yes, you could still catch it pero the probability is also not a 100% anymore ‘no.,” sabi ni Roque.
“So wala naman talagang 100% guarantee. Ang PCR test naman talaga ‘pag ginamit din iyan, if at the time you took it hindi ka pa reactive then you will be negative but you don’t know when it will actually surface ‘no. So sa gitna po ng pandemya, Trish, there’s no such a thing as a 100% guarantee,” dagdag ng Palace official.
Nilinaw naman ni Roque na kinikilala pa rin ng Inter Agency Task Force (IATF) ang mga concerns ng Local Government Units (LGUs) pero hindi naman ginarantiya ang pagpapalit ng polisiya.
Aniya, wala naman kasing ibang nagpapatupad ng mga patakarang inilalabas ng IATF kundi ang mga LGU.