Nagpaliwanag ang Malacañang hinggil sa naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbabawi sa pagbabasura sa Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng bansa at ng Estados Unidos.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, ang desisyon ng pangulo ay batay sa pagtataguyod ng Philippine strategic core interests at bilang malinaw na depinisyon ng PH-US alliance sa pagitan ng sovereign equals.
Sinabi pa ni Roque na naniniwala rin ang pangulo na may malinaw na posisyon ang Estados Unidos sa kanilang mga obligasyon at pangako sa ilalim ng Mutual Defense Treaty.
Kasunod nito, sinabi ng kalihim na ipagpapatuloy ng Pilipinas ang pakikipag-ugnayan sa iba pang mga bansa para sa partnership na naka-base sa ating national interests.