Buo ang suporta ng mga senador sa pagbawi ng pamahalaan sa travel ban sa Taiwan na biglang ipinatupad noong nakaraang linggo dahil sa COVID-19.
Diin ni Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson, magandang hakbang ito at pabor sa mahigit 154,000 mga manggagawang Pilipino sa Taiwan.
Giit ni Lacson, hindi maiwasang isipin na ang travel ban sa Taiwan ay pagsunod lang sa ‘One China Policy’ dahil kakaunti lang naman ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa nasabing bansa.
Ayon kay Lacson, ang paghinto sa implementasyon ng travel ban sa Taiwan ay patunay na nakikinig si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga payo at opinyon ng publiko at nagbibigay konsiderasyon din sa kung anong makabubuti sa mamamayan.
Bukod kay Lacson, ay naunang iginiit nina Senator Francis “Kiko” Pangilinan at Senator Richard Gordon na hindi makatwirang idamay ang Taiwan sa travel ban na ipinapatupad natin sa China kung saan pinakamarami ang kaso ang COVID-19.