PAGBEBENTA NG BENTE PESOS NA BIGAS NA HINDI NALULUGI ANG MAGSASAKA, INALMAHAN NG ILANG PANGASINENSE

Umalma ang ilang Pangasinense sa pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang SONA kahapon, kung saan sinabi nitong kayang magbenta ng bigas sa halagang ₱20 kada kilo nang hindi nalulugi ang mga magsasaka.

Ayon kay Fidel Nepal ng Malasiqui, hindi umano ito totoo dahil sa iilang lugar lamang ipinatupad ang ₱20 na bigas, kaya’t hindi nito nasasalamin ang tunay na kalagayan ng mga magsasaka sa buong bansa.

Dagdag pa ng ilang netizens, tila “bingi” raw ang pangulo sa tunay na hinaing ng mga nasa sektor ng agrikultura.

Sa panayam ng IFM News Dagupan kay Juanito Español, isang magsasaka, sinabi nitong ang ₱20 kada kilong bigas ay naging dahilan ng kanilang paghihirap, dahil sobrang baba umano ng presyo ng palay na kinukuha mula sa kanila.

Matatandaang ibinida ng Pangulo sa kanyang SONA ang mga nagawa at plano ng administrasyon para sa sektor ng agrikultura, lalo na’t tatlong taon na lamang ang nalalabi sa kanyang termino. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments