Pagbebenta ng buffer stock na bigas ng NFA, posibleng magsimula sa Pebrero –DA

Target ng pamahalaan na mailabas na sa merkado ang buffer stock ng mga bigas ng National Food Authority (NFA) pagpasok ng Pebrero.

Ito ay kasunod ng pag-apruba ng National Price Coordinating Council (NPCC) sa resolusyon na humihikayat sa Department of Agriculture (DA) na magdeklara na ng food security emergency sa bigas.

Nananatili pa rin kasing mataas ang presyo ng bigas sa kabila ng pagbaba ng global rice costs at dagdag pa ang pagtapyas ng taripa na utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.


Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na layon nitong mapamura ang presyo ng bigas sa merkado.

Kailangan din aniyang gumawa ng hakbang ng pamahalaan para hindi rin masayang ang mga imbak na bigas at mabulok lamang.

Sakaling mailabas na ang buffer stock, papalitan ito ng NFA ng mga locally-produced na bigas na makatutulong din sa mga Pilipinong magsasaka.

Sa ngayon ay nasa halos 300,000 metric tons pa ng bigas ang buffer stock ng NFA at kapag nilabas ito ay makakatulong na ma-decongest ang mga warehouse sa harap ng harvest season ngayong Pebrero.

Facebook Comments