Pagbebenta ng Good Conduct Time Allowance kapalit ng pagpapalaya sa preso, nabunyag sa pagdinig ng Senado

Pwedeng makalaya ang mga inmates ng New Bilibid Prison kung nais nilang bayaran ito.

Ito ang isiniwalat ng asawa ng isang preso matapos tumestigo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kagabi.

Ikinuwento ni Yolanda Camelon ang kanyang pakikipag-usap sa mga opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) para i-adjust ang Good Conduct Time Allowance (GCTA) record ng kanyang asawa at bawasan ang sentensya nito.


Ayon kay Camelon, mayroon talagang nagaganap na bayaran kapalit ng kalayaan ng isang bilanggo at isa sila sa mga naging biktima nito.

Aniya, kinausap siya ni Major Mabel Bansil nitong Pebrero at sinabihan siya na mapapaikli ang prison term ng kanyang asawa kung mababayad lamang siya ng 50,000 pesos.

Ipinakilala siya ni Bansil kay staff Sergeant Ramoncito Roque, na Chief Of Documents ng BuCor.

Una siyang naghulog ng 10,000 pesos sa bahay ni Roque, at binayaran ang natitirang 40,000 pesos.

Ipinangako sa kanya na palalayain ang kanyang asawa nitong Marso, subalit hindi nangyari hanggang sa umurong ng Hunyo at naurong pa ng Oktubre.

Nanindigan na si Camelon na hindi na siya makikipag negosasyon sa BuCor Officials at nais ibalik ang ibinayad niyang pera.

Sinuspinde Blue Ribbon Committee Chairperson, Sen. Richard Gordon ang pagdinig alas-11:00 na kagabi at ipapagpapatuloy ito sa Lunes, alas-10:00 ng umaga, kung saan may isa pang testigo ang haharap para patunayan ang nangyayaring “GCTA for sale.”

Facebook Comments