Pinaiimbestigahan ni Magsasaka Partylist Representative Argel Cabatbat sa Department of Agriculture (DA) ang mga napaulat na pagbebenta ng makinarya mula sa pamahalaan na dapat ay para sa mga magsasaka.
Ayon kay Cabatbat, mismong siya ay muntik mabiktima dahil may isang mechanical drier siya na gustong bilhin ngunit ikinagulat niya nang malamang galing pala ito sa DA.
Iginiit ng kongresista ang imbestigasyon at pagpapanagot sa mga indibidwal na nasa likod ng pagbebenta ng mga makinarya mula sa gobyerno.
Pinapaaksyunan agad ito ng kongresista sa pamahalaan dahil ang mga magsasaka ang nadadaya rito.
Nakakasira rin sa imahe ng kagawaran ang isyu ng pananamantala sa kabila ng mga hakbang para matulungan ang sektor ng agrikultura.
Pagtitiyak naman ni Agriculture Secretary William Dar, nagsasagawa na sila ng fact finding hinggil dito matapos na makarating sa kaniyang tanggapan ang mga kahalintulad na reklamo.