Kikilos na rin ang PNP Anti-Cybercrime Group para tutukan ang galaw ng mga nagsasamantala sa COVID-19 response ng gobyerno.
Ito ay matapos na ibunyag ng Bureau of Immigration na may ilang kawatan ang ginagamit ang kanilang ahensya para magbenta ng pekeng entry permit sa mga dayuhan sa pamamagitan ng social media.
Ayon kay PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar, sisiguruhin nilang mananagot ang mga manlolokong ito dahil hindi aniya katanggap-tanggap na magsamantala ngayong panahon ng pandemya.
Modus daw ng grupo na magturo ng Immigration officer sa mga dayuhan para siyang mag-ayos umano ng permit sa kanilang pagpasok sa bansa.
Pero malalaman na lang ng biktima na bogus pala ang itinuro ng scammer at natangay na ang perang ibinayad ng pobreng dayuhan na kumuha ng pekeng permit.
Bukod sa mga pekeng entry permit, sinabi ng PNP chief na kanila ring tinututukan ang iligal na pagbebenta ng mga pekeng vaccination cards at RT-PCR test result online
Dahil dito panawagan ni PNP chief na agad isumbong sa mga awtoridad sakaling may alam sa mga ganitong modus para hindi na makapambiktima pa.