Pagbebenta ng sanggol online, nais nang matuldukan ni PBBM

Ikinabahala ni Pangulong Bongbong Marcos ang pagtaas ng kaso ng mga nagbebenta ng sanggol online o sa black market.

Ito’y kasunod ng mga ulat na may ibinibentang mga sanggol sa Facebook sa halagang P90,000 at P5,000 ang downpayment.

May ilang indibidwal na ring na-entrap ng mga awtoridad at nasampahan ng kasong qualified trafficking, habang mahigit 500 accounts na rin ang kanilang na-take down.


Ayon kay Justice spokesperson Mico Clavano, sinabi ni Pangulong Marcos na hindi uusad ang bansa kung may ganitong klase ng problema na kinahaharap.

Dahil dito, nakikita ng pamahalaan ang pangangailangang magkaroon ng whole-of-nation approach sa kampanya laban sa child trafficking online.

Aminado kasi si Clavano na hindi uubrang aasa na lang sila sa reports at ang DOJ, Department Social Welfare and Development (DSWD), National Authority for Child Care (NACC), at National Bureau of Investigation (NBI) lang ang magtatrabaho rito.

Hindi aniya magiging epektibo ang laban kontra child trafficking kung walang suporta mula sa mga mamamayan.

Facebook Comments