Vatican City – Simula sa susunod na taon ay hindi na papayagan ni Pope Francis ang pagbebenta ng mga sigarilyo sa Vatican employees.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), nabatid na inanunsyo na ni Vatican Spokesman Greg Burke na ayaw kunsintihin ng Santo Papa ang maling gawain ng paninigarilyo na lubhang nakakaapekto sa kalusugan ng tao.
Sa kasalukuyan umano ay nasa 5 libong empleyado at retired staff ang pinapayagang bumili ng sigarilyo sa Duty-Free Shop and Supermarket ng Vatican at aabot sa 11 milyong dolyar ang ibinibigay na kita nito sa Estado kada taon.
Gayunpaman, sinabi ni Burke na walang anumang halaga ito kung ang kapalit nito ay buhay ng mga tao.
Binanggit pa ng opisyal ang datos mula sa World Health Organization na nagsasabing nasa pitong milyong tao ang namamatay dahil sa paninigarilyo kada-taon.
Dagdag pa ni Burke, marahil isa itong sakripisyo para sa Santo Papa dahil ang mga sigarilyo ay “Source of Revenue” ngunit mas mahalagang gawin ang tama para sa kapakanan ng nakararami.
Napag-alaman na si Pope Francis na hindi naninigarilyo ay natanggalan na ng baga noong siya ay binata pa.