Ipinag-utos na ng National Telecommunications Commission (NTC) sa ilang e-commerce platforms na itigil ang pagbebenta ng SMS blast machines.
Bago nito, naglabas ng show cause order at cease and desist order ang NTC sa Facebook Marketplace Philippines, Shopee at Lazada Philippines.
Kasunod iyan ng paglabas sa kanilang sites ng SMS blast machines na hindi naman anila pinapayagan ng NTC.
Nilalabag din nito ang radio control law at iba pang mga batas kabilang na ang Memorandum Order na nagbabawal sa paggamit ng portable cellular mobile repeater at portable cell site equipment.
Dahil dito, pinagpapaliwanag na rin ng NTC ang tatlong online platforms bago ang October 27 habang kukumpiskahin din ang mga nasabing gamit.
Matatandaang noong nakaraang linggo ay nakatanggap ng emergency text alerts ang ilang mga indibidwal sa Sofitel Hotel kung saan ginaganap ang filing ng Certificate of Candidacy na ikinakampanya si dating Senador Bongbong Marcos pero itinanggi ng kampo nila na sakanila nagmula ang text message.
Ayon kay NTC Deputy Commissioner Edgardo Cabarios, posibleng nagmula ang alerts na ganito sa portable cell sites pero nagpapatuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon.