Aminado ang Department of Agriculture na hindi lahat ng lugar sa bansa ay mapagbebentahan ng murang bigas na nagkakahalaga ng ₱29 kada kilo.
Kasunod na rin ito ng pahayag ng National Irrigation Administration na magbebenta ng ₱29 na kada kilo ng bigas ang pamahalaan sa mga Kadiwa outlets sa Agosto.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni DA Asec. Arnel de Mesa na nakadepende sa lugar at cost ng production ang presyuhan ng palay kaya hindi kaya sa ngayon ng gobyerno na magbenta ng ₱29 na presyo ng kada kilo ng bigas sa lahat ng Kadiwa store sa bansa.
Sinang-ayunan din ito ng Samahang Industriya ng Agrikultura kung saan sinabi ni SINAG Chairperson Rosendo So na maaaring maibenta ang ₱29 na kilo ng bigas sa mga targeted area.
Paliwanag ni So, batay sa kanilang pagtataya, kung papayag ang mga local farmer na ibenta ang kanilang aning palay sa halagang ₱17 kada sako, nasa 100,000 metric tons ng bigas ang maaring mabili ng pamahalaan.
Ayon kay So, mauubos ito sa loob lang ng tatlong araw kung lahat ay pagbebentahan ng ₱29 kada kilo .
Sa monitoring ng DA, naglalaro ngayon sa ₱51 hanggang ₱52 ang presyo ng kada kilo ng regular milled rice sa merkado.