Pagbebenta sa assets ng gobyerno, ikokonsidera ni Pangulong Duterte para tugunan ang krisis sa COVID-19

Ikokonsidera ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbebenta sa assets ng gobyerno sakaling kapusin na ang pondo para ayudahan ang mga naaapektuhan ng krisis sa COVID-19.

Ayon sa Pangulo, kapag talagang lubog na ay ipagbibili niya ang mga ari-arian ng gobyerno gaya ng Cultural Center of the Philippines at ang Philippine International Convention Center.

Aniya, ipapaubaya niya sa opisisyon ang pakikipag-negosasyon para iwas duda.


“’Pag wala na akong makuha and we’re about to sink and really sink, I will sell all the assets of government tapos itulong ko sa tao. Lahat ng committee na miyembro para mag-aral kung magkano ang presyo, ibibigay ko sa mga oposisyon. kayo ang mag-negotiate para wala kayong duda sa amin.”

Bukod dito, posibleng hindi na rin aniya matuloy ang ilang malalaking proyekto ng administrasyon para magamit ang pera sa pagtugon sa COVID-19.

“’Yung sa budget na naka-program, baka hindi na matuloy ‘yon dahil sa COVID, nag-ekis ang panahon… so ‘yung may mga project ngayon, baka ilaglag ko ‘yung malalaki ‘pag nagkulang ako sa pera para sa kontrol sa COVID.”

Samantala, binanatan ni Pangulong Duterte ang mga tumutuligsa at naghahanap sa breakdown ng ₱275-billion Coronavirus reponse fund.

Giit ng Pangulo, hindi pa nakokolekta ang nasabing pondo.

Ang pinapatakbong pera ngayon ng gobyerno ay ang pondong inihanda noong nakaraang taon kung saan hindi kasama ang budget para sa COVID-19.

“’Yung pinagdadaldal ng isang congressman na torpe na may 300 billion na ibinigay ng kongreso, hangin po lahat ‘yan. Wala pa ‘yang pera na ‘yan dito. ‘Yung budget na pinapatakbo natin was prepared last year but COVID was not included in that budget. Magkokolekta pa ko ngayon, masusunod ba ‘yung koleksyon mo? Hindi. Bakit? Wala na, ang ekonomiya, patay.”

Si Pangulong Rodrigo Duterte.

Facebook Comments