Sisilipin ng House Committee on Health (HCH) ang kwestyunableng pagbebenta ng dalawang lote na pag-aari ng Philippine Orthopedic Center (POC).
Nakapaloob ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa iligal na bentahan ng lupa sa House Resolution 2336 na inihain ni Assistant Majority Leader Niña Taduran.
Sinasabing naibenta ang mga lupa sa isang “private couple” sa milyon-milyong halaga sa gitna ng COVID-19 pandemic sa kabila ng kautusan ng korte laban dito.
Iginiit ni Taduran na ang nasabing pagbebenta ng lote ay dapat dumaan sa mahigpit na pagbusisi ng publiko upang malaman kung legal o hindi ang proseso.
Nakakapagduda aniya ang madaliang pagbebenta sa lupa dahil ang kasunduan ay ginawa nang hindi nalalaman dahil lahat ay abala sa pandemya.
Napag-alaman pa na ang mga lote ay naibenta sa tulong ng isang magreretiro na opisyal ng local Registry of Deeds.
Dagdag pa ng kongresista, nakuha ng kanyang tanggapan ang mga dokumento sa maanomalyang bentahan ng lote at inaasahang maisasalang na ito sa pagdinig ng komite sa lalong madaling panahon.