Pagbenta ng NFA rice, limitado na lang sa ilang lugar sa bansa

Nagdesisyon ang konseho ng National Food Authority (NFA) na ituloy ang pagbebenta ng murang bigas sa mga mahihirap na lugar sa Pilipinas.

Ito ay matapos i-anunsyo ng Dept. Of Agriculture nitong Pebrero ang paghinto ng pagbebenta ng NFA rice sa merkado alinsunod sa Rice Liberalization Law.

Ayon kay Dept. Of Agriculture Sec. Manny Piñol, ipatutupad ito sa ilalim ng surgical marketing operation.


Pero nilinaw ni Piñol, na hindi lahat ng lugar sa bansa ay mabibigyan ng alokasyon ng murang bigas dahil 10% lamang nito ang ibebenta sa merkado.

Prayoridad ang Metro Manila at iba pang mahihirap na lalawigan.

Makikipag-ugnayan na ang NFA sa lokal na pamahalaan ukol sa pagtatayo ng bigasan ng bayan.

Tiniyak ng NFA na patuloy ang kanilang pagbili ng palay sa mga lokal na magsasaka.

Sa ngayon, nasa apat na milyong sako ng bigas na ang nabili ng NFA mula sa ating mga magsasaka.

 

Facebook Comments