Pagbubukas pa ng ekonomiya ang nakikitang solusyon ng Palasyo hinggil sa dumaraming nawawalan ng trabaho sa bansa dahil sa pandemya.
Pahayag ito ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque sa inilabas na Philippine Statistics Authority Survey na nagsasabing mas tumaas pa ang bilang ng mga nawalan ng trabaho magmula noong magdekalara ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa bansa dahil sa COVID-19 pandemic kung saan base sa survey ay nasa 4 na milyong Pilipino na ang nawalan ng trabaho.
Kasunod nito, sinabi ng kalihim na wala sa opsyon ng pamahalaan na magkaloob ng ayuda o cash subsidy sa ating mga kababayan na nawalan ng hanapbuhay.
Maliban sa mga nabanggit ay mayroon ding iba’t ibang stratehiya ang pamahalaan para sa tuluyang pagsigla ng ating ekonomiya.
Kabilang aniya dito ang pagbubukas pa ng ekonomiya pero hindi makokompromiso ang kaligtasan ng ating mga kababayan gayundin ang patuloy na pagpapatupad ng recovery o stimulus package na kalakip ng Bayanihan 1 at Bayanihan 2, 2020 at 2021 National Budget at ang implementasyon ng vaccination program.
Una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na kapag umabot na sa dalawang milyon ang nabakunahan ay muli nyang irerekonsidera na maisailalim na ang buong bansa sa Modified General Community Quarantine upang mas marami pang negosyo ang makapagbukas na magreresulta naman sa mas maraming trabaho.