Isinusulong ni Senior Citizens Partylist Rep. Francisco Datol Jr., ang pagbibigay ng benepisyo sa mga naiwang dependents ng mga frontliners o medical workers.
Ihahain ng kongresista sa Kamara ang panukala na magbibigay ng scholarship at lifetime pension sa mga surviving dependents ng mga nasawing health care workers sa COVID-19.
Ayon kay Datol, ang pagbibigay benepisyo sa mga naiwang pamilya, anak, magulang at kapatid ang siyang magandang paraan nang pagpapakita ng pamahalaan ng pasasamalat sa mga medical workers at health care staff na nagbuwis ng kanilang buhay para sa mga Pilipino.
Samantala, ang mga emergency health workers na naka-survive sa COVID-19 ay hinihiling naman na pagkalooban ng civil service eligibility at ma-i-deploy ang mga ito bilang school health personnel sa mga K-12 schools at sa mga state universities and colleges.
Ang suhestyon na ito ng kongresista ay bilang suporta na rin sa inihaing panukala ni Health Committee Vice Chair Alexie Tutor na pagkakaroon ng sapat na health professionals sa mga paaralan.
Naniniwala si Datol na ang pagkakaroon ng School Health and Safety Offices ay isang madaling paraan para magkaroon ng access sa healthcare ang mga guro, estudyante at kahit ang mga guardians kaakibat ng endorso mula sa Parents-Teachers Association (PTA).