Ipinakokonsidera ng OCTA Research group sa gobyerno na mabigyan ng insentibo ang mga barangay at negosyo sa bansa na nakumpleto na ang target ng bilang ng mga nabakunahan.
Ayon kay OCTA Research Fellow Fr. Nicanor Austriaco, dapat mabigyang pagkilala ang mga ito dahil sa naitulong sa bansa na maabot ang herd immunity sa loob ng maikling panahon.
Ilan sa mga pagkilalang dapat ibigay ay ang pagtatanggal na ng polisiyang dapat na pagsusuot ng face mask at pagpapaikli sa ipinatutupad na curfew.
Ipinakokonsidera rin ni Austriaco na makalabas na ang mga senior citizens na nabakunahan pero dapat pa ring manatili ang pagsusuot ng face mask ng mga ito.
Ang mga lugar na kasama sa ipinakokonsidera ay ang; National Capital Region, Metro Cebu, Metro Davao, Bulacan, Batangas, Cavite, Laguna, Pampanga, at Rizal
Sa ngayon, aabot na lang sa 250,000 doses ng bakuna ang kailangang ipamahagi para maabot ang herd immunity sa bansa.