Hinimok ni Senator Leila de Lima ang kongreso na silipin ang pagbibigay ng kontrata sa isang logistics firm na konektado sa isang businessman na kilalang kaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa inilabas na pahayag ng Senadora, sinabi nito na kailangang matiyak na ang mabibigyang supplier ay hindi konektado sa anumang partisan political activities lalo na kung sa pagsasagawa ng national at local elections.
Pinangalanan naman ng Senadora ang logistics firm na F2 Logistics Philippines, Inc. na kinokontrol ng Davao-based businessman na si Dennis Uy na nagbigay suporta kay Pangulong Duterte noong 2016 presidential election.
Isa ang F2 sa best-3 firms na kabilang sa walong participating companies.
Oras na makuha ang kontra, pangangasiwaan nito ang pagde-deliver ng suplay at kagamitan para sa eleksyon tulad ng vote-counting machines, canvassing system machines, transmission equipment at balota.
Sa ngayon, giit pa ni de Lima na hindi ito dapat balewalain dahil malaki ang magiging epekto nito sa karapatan ng mga Pilipino.