Manila, Philippines – Inaprubahan sa Mababang Kapulungan sa ikalawang pagbasa ang panukalang nagbibigay kapangyarihan sa PNP-CIDG na magpaisyu ng subpoena ad testificandum o subpoena duces tecum sa kanilang mga isinagawang imbestigasyon.
Layunin ng panukala na pagtibayin ang kapasidad ng PNP-CIDG na magpakuha ng mga dokumento at magpatawag ng testigo sa kanilang mga imbestigasyon.
Ayon sa may-akda ng panukala na si Surigao del Norte Rep. Francisco Matugas, sa ilalim ng RA 6975, binibigyang kapangyarihan ang NAPOLCOM na mag-isyu ng subpoena at subpoena duces tecum sa mga kasong iniimbestigahan laban sa mga tauhan nito pero hindi naman binibigyan ng ganitong kapangyarihan ang PNP-CIDG.
Ang ilan pang ahensya na may ganitong kapangyarihan ay Ombudsman, DOJ, NBI, PDEA, BIR at Cybercrime Operation Center.
Giit pa ng kongresista, bilang main-enforcement agency ng bansa ang PNP-CIDG dapat lamang na may kakayahan ito sa ilalim ng batas na mag-isyu ng administrative subpoena.
Dagdag naman ni Public Order and Safety Chairman Romeo Acop, nakakaapekto sa pagiging epektibo at efficient ng PNP-CIDG ang kakulangan nito sa ilang kapangyarihan pagdating sa imbestigasyon.