Isinusulong ngayon sa Mababang Kapulungan ang pagbibigay ng “14th month pay” sa lahat ng mga empleyado sa gobyerno at pribadong sektor anuman ang kanilang employment status.
Nakapaloob ito sa House Bill 8361, na inihain nina Davao City 1st District Representative Paolo Duterte, Benguet Rep. Eric Yap at ACT-CIS Party-list Rep. Edvic Yap.
Base sa panukala, ibibigay ang 14th month pay bago o tuwing ika-30 ng Nobyembre kada taon habang magpapatuloy naman ang pagbibigay ng 13th month pay bago o tuwing ika-31 ng Mayo.
Binigyang diin sa panukala ang kahalagahan ng mga empleyado sa lahat ng aspeto ng lipunan dahil kung wala sila ay hindi naman makagagalaw ang gobyerno gayundin ang mga negosyo o tanggapan sa pribadong sektor.
Layunin ng panukala na masuklian ang serbisyo na ibinibigay ng mga manggagawang Pilipino.
Tulong din ang panukala para maibsan ang malaking gastos ng mga empleyado sa bansa sa edukasyon, mataas na presyo ng bilihin, medisina at pagpapagamot.