
Ipinasasabatas ni Senator Bam Aquino ang pagbibigay sa mga estudyante ng diskwento sa load para sa mobile at internet services.
Sa panukalang batas na Student Discount Para sa Load Act na inihain ni Aquino, magtatakda ng mekanismo para matiyak ang pagkakaloob ng student load discount privilege.
Tinukoy sa panukala na hindi na maituturing na luho ang pagkakaroon ng access sa communication at internet services lalo na sa mga kabataan na ginagamit na rin ito sa kanilang pag-aaral.
Sa ilalim ng batas, pinabibigyan ng 20% discount ang mga estudyante sa mobile load, text, call,at internet services.
Ma-i-a-apply ang discount sa pagprisinta ng valid school ID o proof of enrollment at epektibo ang discount sa buong taon kasama ang weekends at holidays.
Sakop ng pagbibigay ng student discount sa load ang lahat ng telecommunications services kasama ang postpaid, prepaid, broadband, at internet services.









