Ipinagpaliban na rin ngayong araw ng Taguig City Vaccination Task Force ang pagbibigay 2nd dose ng Sinovac vaccines.
Ito’y habang inaantay pa ang karagdagang suplay ng Sinovac vaccines.
Inaasahang dadating ang dagdag na suplay ng Sinovac vaccine sa loob ng dalawang linggo at muling itutuloy ito sa oras na dumating ang mga bakuna.
Ayon sa Taguig Local Government Unit (LGU), sa mga susunod na araw ay pagtutuunan nila ang pagbibigay ng unang doses ng AstraZeneca.
Magbibigay ang Taguig ng karagdagang mga update sa pamamagitan ng I Love Taguig at Taguig TRACE Facebook page.
Target ng lungsod na makapagbibigay ng first dose sa may 55,000 indibidwal sa linggong ito.
Inaasahan na makamit ang target na 70 porsiyento ng populasyon at inaasahang matatapos sa buwan ng Nobyembre.
Sa ngayon ay nasa 40.76% o katumbas ng 277,191 na indibidwal ang nakatanggap ng kanilang unang doses at 18.15% o 123,390 na mga residente ng Taguig ay fully vaccinated na.