Hiniling ni Senator Grace Poe na palawakin pa ang saklaw ng 5% discount sa kuryente at tubig na ibinibigay sa senior citizens.
Sa kasalukuyan kasing batas, ang pinabibigyan lang ng limang porsyentong diskwento ay senior citizens na may 100 kilowatt hours na kunsumo ng kuryente at 30 cubic meters na kunsumo sa tubig.
Sa Senate Bill 1066 ni Poe ay pinaaamyendahan ang Expanded Senior Citizens Act of 2010 o Republic Act 9994.
Sa panukala ay isinusulong na magkaroon ng 5% discount ang senior citizens na may unang 150 kWh na kuryente at unang 50 cubic meters ng tubig.
Nakasaad sa panukala na kailangang nakapangalan ang bill sa kuryente at tubig sa mismong senior citizen.
Iginiit ni Poe na ang pagbibigay ng ganitong benepisyo sa senior citizens ay pagkilala sa kanilang naging malaking kontribusyon sa bansa.