Naniniwala ang True Colors Coalition na ang ibinigay na absolute pardon ni Pangulong Rodrigo Duterte kay US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberto ay isang usaping politikal.
Sa interview ng RMN Manila, binigyan diin ni True Colors Coalition Spokesman Jhay De Jesus na bagamat prerogative ng Pangulo ang pagbibigay ng absolute pardon, mayroon itong dahilan kung bakit niya ginawa at ito ay ang usaping politikal sa pagitan nila ni US President Donald Trump.
Para sa grupo, ang paglaya ni Pemberton ay paglapastangan sa karapatan ng mga Pilipino at pagbawi sa hustisyang ibinigay sa pamilya Laude ng patayin ang Pinay transwomen na si Jennifer Laude.
Ipinunto pa ni De Jesus na ang binibigyan ng absolute pardon ay ang mga bilanggong nagpakita ng kanilang pagsisisi sa ginawang pagkakamali at personal na humingi ng tawad sa pamilya ng biktima, bagay na hindi ginawa aniya ni Pemberton.
Samantala, sa interview ng RMN Manila kay Atty. Rowena Flores, abogado ni Pemberton, pumalag ito sa mga bumabatikos sa kanyang kliyente at iginiit na nagsisisi ang sundalong Amerikano sa kanyang ginawa.
Sinabi rin ni Flores na technically, commutation of sentence ang ipinagkaloob kay Pemberton at hindi absolute pardon.
Una nang inihayag ng kampo ni pemberton na wala silang kaalam-alam sa naging desisyon ni Pangulong Duterte.