Hindi pa napapanahon na itigil ng pamahalaan ang pagbibigay ng ayuda na may kaugnayan sa pandemya dulot ng COVID-19.
Sa isang panayam, sinabi ni Economic Analyst at University of the Philippines Professor Astro del Castillo na hindi pa tapos ang COVID-19 pandemic at hindi pa lahat nakaka-rekober mula sa epekto nito.
Punto pa ni Del Castillo, maraming Pilipino rin ang naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at produktong petrolyo.
Matatandaang, inihayag ni Department of Finance (DOF) Secretary Benjamin Diokno na dapat nang ipatigil ng gobyerno ang pamamahagi ng pandemic cash assistance, pero dapat magpatuloy ang social protection programs ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) gayundin ang tulong sa mga senior citizen.
Paliwanag kasi ni Diokno na “fully recovered” na raw ang bansa at dahil sa limitadong “fiscal space.”