Pinamamadali na nina Senator Christopher “Bong” Go at Senator Joel Villanueva ang pagbibigay ng ayuda sa mga mahihirap na labis na apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR), Rizal, Bulacan, Cavite at Laguna.
Hiling ni Go sa National at Local Government Units (LGUs), gawin ang lahat para maibigay agad ang tulong dahil sa bawat araw na lumilipas na limitado ang kanilang galaw ay bawas din ang kita nila at lalong hirap humagilap ng ipapakain sa kanilang pamilya.
Nanawagan din si Go na huwag nang haluan ng pulitika ang pamamahagi ng ayuda at huwag itong samantalahin dahil mahalagang makarating ito agad sa mga totoong naghihirap.
Giit naman ni Senator Villanueva, kailangang mai-roll out na agad ang ayuda para sa mga labis na nangangailangan ngayon ng ECQ o Emergency Cash sa Quarantine.
Paliwanag pa ni Villanueva, maraming “breadwinners” ang apektado ng ECQ at hindi makakapaghanap ng pambili ng pagkain para sa kani-kanilang mga pamilya.
Diin ni Villanueva, naayos na ng pamahalaan ang sistema sa pagbibigay ng ayuda sa mahigit 18 milyong pamilya kaya’t hindi na magiging problema ang pagtutukoy kung sino ang dapat at hindi dapat bigyan ng ayuda.