Pagbibigay ng ayuda sa mga PUV driver, pinamamadali ng isang kongresista

Hinimok ni Drivers United for Mass Progress and Equal Rights – Philippines Taxi Drivers Association (DUMPER-PTDA) Partylist Representative Claudine Bautista ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na madaliin ang pagbibigay ng ayuda sa mga Public Utility Vehicle (PUV) drivers na hindi makabiyahe dulot ng community quarantine.

Sa inihaing House Resolution 1003, inaatasan ang naturang mga ahensya na magbigay ng malinaw na panuntunan upang makatanggap ng tulong pinansyal ang mga apektadong PUV driver.

Ayon sa lady solon, nakatanggap siya ng mga ulat na maraming mga PUV driver ang hindi pa nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa pamahalaan mula nang magsimula ang community quarantine at lockdown sa iba’t ibang bahagi ng bansa.


Batay sa datos, nasa mahigit 80,000 na driver ng taxi at Grab, 20,000 driver ng bus, at humigit-kumulang 170,000 na driver ng pampasaherong jeep ang naapektuhan ang kabuhayan dahil sa hindi nakapamasada.

Nangako naman si DSWD Secretary Rolando Bautista at si LTFRB Chairperson Martin Delgra na kanilang isusulong ang mabilisang paglabas ng ayuda para sa mga PUV driver.

Facebook Comments