Pagbibigay ng bagong prangkisa sa ABS-CBN, ibinasura na ng Kamara

Tuluyan nang ibinasura ng House Committee on Legislative Franchises ang mga panukala na layong bigyan ng 25 taong prangkisa ang ABS-CBN.

Sa botong 70 YES, 11 NO, 1 ABSTAIN at 2 ang nag-INHIBIT na mga miyembro ng komite at ex-officio members ay inaprubahan at inadopt ng komite ang resolusyon ng technical working group na nagbabasura sa franchise application ng ABS-CBN Corporation para mag-construct, mag-install, magtatag, mag-operate, at mag-maintain ng radio at broadcasting stations sa Pilipinas.

Inihain ang 14 na panukala sa Mababang Kapulungan upang mabigyan ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN matapos itong mapaso noong May 4, 2020.


Magugunitang nagkaroon ng labindalawang (12) araw na pagdinig ang komite kasama ang House Committee on Good Government and Public Accountability kung saan tinalakay ang mga alegasyon laban sa broadcast giant kabilang ang citizenship ng kanilang Chairman Emeritus na si Gabby Lopez, pag-i-isyu ng Philippine Depositary Receipt (PDR) sa mga dayuhan, political bias, paglalabas ng TV Plus, pagbabalik ng ABS-CBN sa mga Lopez, paglabag sa labor practices at hindi tamang pagbabayad ng buwis.

Posibleng sa 2022 pa maaaring makapag-apply muli ng prangkisa ang ABS-CBN.

Pero mayroon pa namang pagkakataon ang mga may-akda ng panukala upang i-apela ang naging pasya ng komite.

Facebook Comments