Pagbibigay ng benepisyo sa medical frontliners, pinamamadali na ng isang kongresista

Pinamamadali ni Committee on Metro Manila Development Chairman Manny Lopez ang Department of Health (DOH) sa pagbibigay ng benepisyo sa medical frontliners at sa kanilang pamilya.

Partikular na pinabibigay ang mandated benefits sa mga frontliners na nawalan ng mahal sa buhay dahil sa COVID-19.

Ayon kay Lopez, siya mismo ay kagagaling lang sa nasabing sakit at personal niyang nasaksihan ang hirap na idinudulot ng COVID-19 sa mga mahal sa buhay.


Naranasan din ng kongresista ang higit na hirap na ibinibigay ng COVID-19 sa mga healthcare worker na nag-aalaga sa mga may sakit.

Binigyang-diin ni Lopez na ang tanging pagkilala at pasasalamat na maibibigay ngayon sa mga healthcare frontliners sa parehong pampubliko at pribadong sektor ay matiyak na agad na maibibigay sa mga ito ang nararapat na benepisyo at allowances.

Kabilang sa probisyon ng batas ay pagbibigay ng P1 million sa naiwang pamilya ng healthcare worker na masasawi sa COVID-19; P100,000 na benepisyo naman sa medical frontliner na may severe o critical case; at P15,000 naman sa health frontliner na may mild o moderate COVID-19 case.

Facebook Comments