Pagbibigay ng booster shots sa health workers, dapat ikonsidera ng gobyerno sa harap ng nadaragdagang kaso ng Delta variant

Hindi na ikinagulat ni Senator Leila de Lima ang pagkakaroon ng local cases ng COVID-19 Delta variant dahil masyado aniyang kampante ang mga namamahala sa bansa.

Sabi ni De Lima, ang problemang ito ay resulta ng puro propaganda, puro papogi at puro pamumulitika ang inuuna kaysa sa tunay at tamang pagharap sa problema.

Kaugnay nito ay kaniyang iginiit na agad resolbahin ang mga butas sa ating healthcare system upang matugunan o mapigilan ang pagkalat pa ng Delta variant.


Kabilang dito ang mabigyan agad ng booster shots ang mga medical workers lalo na ang mga binakunahan ng Sinovac na mahina umano ang efficacy laban sa virus.

Bukod dito ay iginiit din ni De Lima na dapat palakasin ang kakayahan ng Philippine Genome Center para makapagsuri ng mahigit 750 samples kada linggo na daan sa agarang pagtukoy sa mga kaso ng COVID-19 variants na mas delikado at mas mabilis makahawa tulad ng Delta, Delta Plus at Lambda variants, at paghusayin ang bio-surveillance, treatment capacity at systematic contact tracing mechanism.

Facebook Comments