Inaasahang madedesiyunan na ngayong linggo ng Department of Health (DOH) ang pagbibigay ng COVID-19 booster shots para sa mga health workers.
Ayon kay Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo, nagpupulong ngayong araw ang All Expert Group (AEG) para pag-usapan ang magiging rekomendasyon kaugnay nito lalo na sa mga health workers na highly vulnerable at mataas ang exposure sa COVID.
Aniya, humingi na sila ng report sa mga ospital kung sino ang mga fully vaccinated na pero nagka-breakthrough infection.
Ito kasi aniya ang mga datos na kailangan ng AEG upang malaman kung kailangan talaga ng booster shots sa mga health workers.
Una nang sinabi ni infectious disease expert Dr. Rontgene Solante na kailangan nang mabigyan ng booster shots ang mga health workers lalo na sa mga naturukan noong Marso ng Sinovac.