Pagbibigay ng cash subsidy para sa mga pamilya na apektado ng pananalasa ng mga bagyo, pinamamadali na ng mga kongresista sa Makabayan

Pinamamadali ng Makabayan Bloc sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagbibigay ng cash subsidy sa mga pamilyang apektado ng pananalasa ng mga bagyo.

Sa House Resolution 1402 na inihain ng mga kongresista ng Makabayan, hinihikayat ang DSWD na ilabas na ang pondo partikular ang funds para sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program.

Nakapaloob dito ang pamamahagi ng P10,000 emergency cash para sa bawat pamilyang apektado ng kalamidad.


Ayon kay Gabriela Rep. Arlene Brosas, ang DSWD ay mayroon pang P83 billion na undisbursed funds kung saan P13.7 billion dito ay nakalaan sa AICS program.

Hiwalay pa ito sa P75 billion na hindi nagugugol na pondo ng DSWD sa 2020 at ang P6.7 billion na unobligated funds sa dalawang Bayanihan Law.

Giit dito ng kongresista, hanggang ngayon ay wala pang natatanggap na ayuda sa pamahalaan ang mga biktima ng Bagyong Rolly at Ulysses lalo na ang mga nasira ang tahanan at apektado rin ang kabuhayan ng pandemya.

Facebook Comments