Pagbibigay ng civil service eligibility sa ROTC graduates, isinusulong ng DND

Isusulong ng Department of National Defense (DND) ang pagbibigay ng first level civil service eligibility sa mga magtatapos sa ipinapanukala ngayong mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) program para sa mga senior high school student.

Ayon kay DND Spokesperson Director Arsenio Andolong, kinokonsulta na nila ang Department of Justice (DOJ), Department of Education (DepEd) at ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) hinggil dito.

Aniya, malaking tulong ito sa mga graduate ng senior high school dahil maaari silang magtrabaho sa gobyerno kahit hindi sila makapagtapos ng kolehiyo.


Imumungkahi rin nila na huwag gawing masyadong military-centric ang ROTC at samahan ito ng mga aktibidad na makagagaan sa epekto ng climate change.

Nais din ni Andolong na isama sa ROTC program ang pag-aaral sa kasaysayan ng bansa.

Matatandaang sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., ay itinulak nito ang mandatory ROTC, bilang isa sa mga priority measures ng kanyang administrasyon.

Sinuportahan naman ito ng Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil mapapalakas nito ang citizen armed forces lalo na sa panahon ng mga kalamidad.

Habang nababahala naman ang ilang mga magulang at organisasyon na pagmulan ng problema gaya ng hazing at korapsyon ang pagbabalik sa mandatory ROTC.

Facebook Comments