Tinutulan ng grupo ng pork producers ang ginawang pagbibigay ng Department of Agriculture (DA) ng freezers sa mga stall na magbebenta ng ini-import na produktong karne.
Sa interview ng RMN Manila kay Nicanor Briones, Vice President ng Pork Producers Federation of the Philippines sinabi nito na dapat ang mga importer ang maglaan ng sariling freezers at hindi ang pamahalaan.
Mali aniya ang ginawa ng gobyerno lalo na’t pera ng taumbayan ang ginamit sa pagbili ng freezers sa gitna ng kakulangan ng pondo na itinutulong sa mga hog raisers na apektado ng African Swine Fever (ASF).
Paliwanag pa ni Briones, malaki na ang kikitain ng mga importer dahil sa pagbaba ng taripa at pagdami ng papayagang iangkat na produktong baboy na aabot sa 404,000 metric tons ngayong taon.