Pagbibigay ng emergency powers sa pangulo, hindi solusyon sa power crisis

Para kay House Deputy Minority leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, hindi solusyon ang pagbibigay ng emergency powers sa presidente sa problema ng krisis sa kuryente sa bansa.

Ayon kay Castro, ang kailangan ay magkaroon ng government-owned power plants at kasama sa mga dapat pamahalaan na rin ng gobyerno ang National Grid Corporation of the Philippines o NGCP.

Giit ni Castro, hindi uubra na tuwing magkakaroon ng brown outs o red alert sa power situation sa bansa ay gagamitin ng presidente ang emergency powers niya pero ang resulta lang naman ay mas mataas na singil sa kuryente ng mga consumer.


Duda rin si Castro na magpapababa sa singil sa kuryente ang panukala ng Department of Energy na repasuhin ang Electric Power Industry Reform Act o EPIRA.

May hinala si Castro na layunin nitong mas makapasok pa at lumawak ang negosyo ng mga sinasabing oligarchs na malapit umano ngayon sa Malacañang at sa power sector.

Apela ni Castro, tiyakin na ang isinusulong na pag-amyenda sa EPIRA ay para sa kapakinabangan ng mga consumer dahil kung hindi ay huwag na lang itong baguhin.

Facebook Comments