Pagbibigay ng EUA sa Pfizer, dedesisyunan na sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo

Nilinaw ng Food and Drug Administration (FDA) na wala pang ibang nag-a-apply para sa Emergency Use Authorization (EUA) ng COVID-19 vaccine sa Pilipinas maliban sa Pfizer.

Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, kahapon ay naipadala na nila sa mga magsasagawa ng review ang aplikasyon ng Pfizer.

Sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo, inaasahang dedesisyunan na kung mabibigyan ito ng EUA.


Pero paglilinaw ni Domingo, kahit mabigyan ng EUA ang bakuna, hindi pa rin ito maaaring i-angkat at ibenta sa merkado dahil pwede lang itong gamitin sa public health program ng gobyerno kaugnay ng nararanasang pandemya.

“Maaari lamang po itong gamitin sa public health program dahil may pandemic. Hindi naman po porket may EUA na e biglang lalabas sa mga botika at mga drug store maibebenta na yan dahil talagang for emergency use lamang ito. Hindi po marketing authorization ang ibinibigay ng FDA sa kanila kundi emergency use authorization lamang.”

Facebook Comments