Tanging si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang magdedesisyon kung bibigyan nito ng executive clemency si Mary Jane Veloso sakaling makauwi na sa Pilipinas.
Kasunod ito ng pagkumpirma ng Department of Justice (DOJ) na opisyal na ang paglilipat sa kustodiya kay Veloso sa Pilipinas mula sa Indonesia kung saan ito nakapiit dahil sa kasong may kaugnayan sa iligal na droga.
Ayon kay DOJ Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano, maraming ikokonsidera sa kaso dahil convicted si Veloso sa drug trafficking pero malaking tulong din siya sa kaso ng illegal recruitment bilang isang witness.
Paglilinaw naman ng opisyal, hindi na kailangan ng basbas mula sa Indonesia sakaling magdesisyon ang pangulo na palayain si Veloso.
Noong nakaraang linggo nang magtungo ang ilang opisyal ng DOJ para gawing opisyal ang paglilipat ng kustodiya.
Sa ngayon ay wala pang tiyak na petsa kung kailan makakauwi si Veloso pero umaasa ang pamahalaan na dito na siya magpa-Pasko sa Pilipinas.