Pagbibigay ng financial support sa mga magsasakang apektado ng El Niño, pinamamadali na ng isang senador

Kinalampag ni Senator Sherwin Gatchalian ang pamahalaan na madaliin ang pagbibigay ng pinansyal na suporta sa mga magsasakang apektado ng matinding init ng El Niño.

Kaugnay na rin ito sa babala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na mararanasan ngayong buwan ng Abril ang “peak” o ang pinakamataas na temperatura at heat index sa bansa.

Giit ni Gatchalian, ang pinsala ng El Niño sa sektor ng agrikultura ay makapagpapabagsak sa ekonomiya at sa kabuhayan ng mga magsasaka kaya malaki ang pangangailangan sa agarang paglalabas ng pondo para matulungan ang mga lugar na lubhang apektado ng El Niño.


Mahalaga aniyang matiyak na mayroon agad na pondong maibibigay sa mga magsasaka upang mapangalagaan ang kanilang puhunan at mabuhay ang kanilang mga pananim.

Partikular na tinukoy ni Gatchalian ang agad na pagbibigay suporta ng Department of Agriculture (DA) sa mga rice farmers dahil posibleng magkaroon ng kakulangan sa suplay dahil sa matinding init ng panahon.

Babala ni Gatchalian, kapag lumala pa ang El Niño at hindi ito maaaksyunan ay mas marami ang maaapektuhan tulad ng kuryente, pagkain at mga kabuhayan.

Facebook Comments