Pasado na sa ikalawang pagbasa ang panukala na layong bigyan ng full scholarships ang mga medical students para tugunan ang kakulangan ng mga doktor sa bansa.
Sa ilalim ng House Bill 6756 ay bibigyan ng medical scholarship at return service program ang mga deserving students sa mga State Universities and Colleges (SUCs) o Private Higher Education Institutions (PHEIs) sa mga rehiyon na walang iniaalok na medical course.
Isang scholar naman sa bawat munisipalidad ang tatanggapin para sa nasabing programa.
Kabilang sa assistance na ibibigay sa mga medical students ay libreng matrikula at iba pang bayarin, allowances para sa libro, supplies, equipment, clothing, dormitory, at transportation.
Sasagutin din ang kanilang internship fees, medical board review fees, at annual medical insurance.
Ang isang medical course graduate ay kailangan munang maglaan ng apat hanggang anim na taon na mandatory return service para sa mga nagtapos ng apat na taon na programa habang pitong taon naman na serbisyo sa bansa para sa mga kumuha ng limang taon na programa.
Maaaring bawiin sa estudyante ang scholarship at ibang benepisyo kapag tumanggap pa ito ng ibang scholarship at bumagsak sa hinihinging academic requirements.
Pagbabayarin naman ng doble ang mga medical students na tatangging magsilbi muna sa mga government hospital o local health office sa kanilang bayan o munisipalidad at sakaling hindi bayaran ay hindi na papayagang i-renew ang kanilang lisensya.