Hangad ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang agarang pagkakaloob ng hanggang ₱500 diskwento sa mga senior citizen at mga persons with disability (PWDs) sa mga grocery store at supermarkets.
Ayon kay Romualdez, pwede na itong maipatupad sa susunod na buwan sa pamamagitan ng paglalabas ng isang memorandum circular ng Department of Trade and Industry o DTI.
Binanggit umano ni DTI Asec. Amanda Nograles na inaayos na nila ang isang Inter-Agency Committee circular para maipatupad ang nabanggit na panawagan ni Romualdez na mas malaking dikwento sa grocery items senior citizens at PWDs.
Sa kasalukuyan ay nasa ₱65 ang kada linggo o ₱260 sa isang buwan ang diskwento ng mga senior at PWDs o mga pinamiling grocery items nila.
Sa Kamara naman ay naghain ng panukala si House Ways and Means Chairman at Albay 2nd District Representative Joey Salceda na gawing ₱125 kada linggo o ₱500 kada buwan ang discount para sa mga lolo at lola at may mga kapansanan.
Bukod dito ay pinapatingnan din ni Romualdez kay Salceda kung ano pa ang pwedeng tulong sa mga senior at PWDs na karamihan ay tumatanggap lang ng napakaliit na pension.