Nakatakdang isailalim sa review ang ipinalabas na Executive Order No. 12 series of 2023 kung saan sesentro ito sa pagbibigay ng insentibo para sa mga e-motorcycle.
Sa media forum sa Maynila, sinabi ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan na tututukan nila ang posibleng pagsasama sa mga two at three-wheeled electric vehicles sa listahan ng mga nabigyan ng import tariff exemption.
Inihayag ito ng kalihim matapos ang panawagan na bigyan ang lahat ng uri ng electric vehicles ng tax break.
Sa ilalim ng Executive Order 12, ang ilang electric vehicles at mga piyesa nito ang nabigyan ng mas mababang taripa na kung dati ay mayroong lima hanggang 30 porsiyentong import tax, ngayon ay wala na habang ang mga e-motorcycle ay hindi napasama at mayroon pa ring 30 porsiyentong taripa.
Kaugnay nito, naniniwala si Stratbase ADR Institute President Dindo Manhit na ang rebisyon at pagsasama sa mga e-motorcycle sa insentiba ng tax break ay makakatulong sa mga Pilipino na lumipat sa paggamit ng mga electric vehicles upang makamit na rin ang sustainable transportation.
Sinabi naman ng pangulo ng Electric Vehicle Association of the Philippines na si Edmund Araga, kahit tutol sila sa pagsasama sa e-jeepneys at e-tricycles sa EO, ang pagbibigay ng insentiba sa mga e-motorcycle ay makakatulong sa pagbuo ng lokal na industriya para rito at mas mapabilis ang paglipat sa mga electric vehicles.
Ang pahayag ng NEDA chief ay nagbukas ng pag-asa sa publiko na madinig ang kanilang panawagan dahil makatutulong ang pagbibigay ng insentiba sa mga e-motorcycle upang mahikayat ang mga Pilipino na tangkilikin ang natatanging eco-friendly na industriyang ito sa bansa.