Pagbibigay ng insentibo sa LGUs na tapos nang bakunahan ang mayorya ng residente nito, iminungkahi ni Drilon

Hinimok ni Senador Franklin Drilon ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na magbigay ng insentibo sa mga lokal na pamahalaan o mga barangay na nakapagbakuna na ng mayorya ng kanilang residente.

Mungkahi ito ng senador sa gitna ng mabagal na rollout ng COVID-19 immunization program ng gobyerno at pag-aalangan ng ilan na magpabakuna.

Pero aminado si Drilon na mahirap pa sa ngayon na magbigay ng pabuya dahil na rin sa limitadong suplay ng bakuna sa bansa.


Samantala, iminungkahi rin ng senador na payagan ang mga pribadong kompanya at LGUs na mag-angkat ng sarili nilang mga bakuna nang hindi na kinakailangan humingi ng pahintulot mula sa national government para mas mapabilis ang vaccination program.

Una na itong iminungkahi ng ilang grupo noong Marso pero nilinaw ng Palasyo na kailangan nilang pumasok sa tripartite agreement dahil nire-require ito sa ilalim ng COVID-19 Vaccination Program Act.

Sa ngayon, nasa 2% o dalawang milyon pa lang mula sa kabuuang 109.48 milyong populasyon ng Pilipinas ang nabibigyan ng kumpletong dose ng COVID-19 vaccines.

Facebook Comments