Hinimok ni Senador Christopher “Bong” Go ang mga otoridad na pag-aralan ang pagbibigay ng insentibo sa lahat ng pharmacists na tumutulong sa COVID-19 vaccination campaign ng pamahalaan.
Sa ‘Talk to the People’ ni Pangulong Rodrigo Duterte, kinilala ni Go ang mga kontribusyon ng volunteer vaccinators sa mga komunidad. Binigyan diin ng senador ang pagbibigay ng insentibo upang mapalakas pa ang volunteerism, lalo’t palalawakin pa ng pamahalaan ang ‘Resbakuna sa Botika’ program sa buong bansa.
“Suggestion lang po, since binibilisan na natin ‘yung ating vaccination, especially dito sa ating bakunahan sa botika. Suggestion lang po as Committee Chair, baka pwede rin pong mabigyan ng incentives itong mga pharmacists natin na nagwo-work double time,” ayon kay Go, na siyang pinuno ng Senate Committee on Health.
“Para maengganyo pa ‘yung lahat ng mga may-ari ng even private na pharmacies natin sa pinakamalalayong lugar dito sa Pilipinas … (at) mas mapabilis ang ating pagpbabakuna,” dagsag pa niya.
Tiniyak naman ni Presidential Adviser for COVID-19 Response Secretary Vivencio “Vince” Dizon sa mambabatas na tatalakayin ng National Task Force Against COVID-19, sa pakikipagtulungan ng Department of Health at National Vaccination Operations Center ang naturang panukala.
Ang ‘Resbakuna sa Botika’ ay joint initiative ng pamahalaan at pribadong sektor upang mapabilis at mapalawak ang immunization program sa bansa at matugunan ang kakulangan sa mga vaccinator.
“Iyung nakita po namin nitong nakaraang linggo, ‘yung mga tao po nakita rin nila ‘yung botika na may bakunahan doon, aba eh pumupunta lang sila. They were just walking and they were saying, ‘Uy, ako papabakuna na ako’ kasi katabing-katabi lang nila ‘yung mga botika natin,” sabi ni Dizon.
“I think very good gesture at pag-aaralan talaga namin, Senator, nang mabuti (ang proposal) para matulungan naman natin kahit kaunti ang ating mga pharmacists,” pagtiyak pa ng opisyal.
Target ng gobyerno na mabakunahan ang 77 milyon na Filipino at makumpleto ang pagbabakuna sa 12 hanggang 17 na age group bago matapos ang first quarter ng 2022. Target din na umabot sa 90 milyon ang fully vaccinated Filipinos sa second quarter at matapos ang booster shots ng 72.16 million individuals pagsapit ng third quarter.
“Sa ating mga kababayan, lagi natin alalahanin na hindi kaya ng gobyernong mag-isa ang laban kontra pandemya. Hindi rin kakayanin ng mga frontliners kung patuloy na dadami ang kailangang dalhin sa mga ospital. Preventing the spread of COVID-19 starts with us by being responsible citizens and getting vaccinated,” saad ni Go.
“Kaya let us remain vigilant at sumunod sa mga patakaran. Magtulungan tayo para hindi bumagsak ang ating healthcare system habang binabalanse natin na pasiglahin muli ang ating ekonomiya.”
Muli ay pinapurihan ng senador ang mga healthcare worker at volunteers sa bansa sa patuloy na pangunguna sa paglaban sa pandemya. Pinasalamatan din niya si Pangulong Duterte sa pag-apruba sa paglalabas ng P1.185 billion para sa COVID-19 Special Risk Allowance ng eligible private HCWs at non-Department of Health plantilla personnel na tumutugon at nag-aalaga sa COVID-19 patients.
“Let us ensure that our heroic healthcare workers are being taken care of and well compensated for they provide a crucial role in our fight against this pandemic,” sabi pa ng mambabatas.
Si Go ay co-author at co-sponsor ng panukala at naging batas na Republic Act No. 11525, o COVID-19 Vaccination Law na nilagdaan ng Pangulo noong July 27, 2020. Sa ilalim ng batas, binibigyan ng kapangyarihan ang national government at LGUs na bumili at mag-administer ng COVID-19 vaccines.