Pinaaagahan ni AnaKalusugan Partylist Rep. Mike Defensor ang pagbibigay ng mid-year bonus sa mga empleyado ng gobyerno.
Hiniling ni Defensor sa mga ahensya ng pamahalaan na kung kaya ay ibigay ng mas maaga o sa May 14 ang release ng mid-year bonus ng mga kawani.
Salig kasi sa Republic Act No. 11466, tuwing May 15 ay ibinibigay ang mid-year bonus na katumbas ng isang buwang sahod mula sa presidente hanggang sa pinakamababang posisyon sa pamahalaan.
Pero dahil ang May 15 ay tatapat ng Sabado kaya humihirit ang mambabatas na agahan ang pagbibigay ng nasabing benepisyo.
Paliwanag ng kongresista, kung mas mapapaaga ang pagbibigay ng insentibo sa mahigit isang milyong government employees ay malaking tulong ito ngayong may pandemya lalo na sa mga healthcare at iba pang frontliner workers sa burukrasya.
Dagdag pa ng kongresista, dapat ay nailabas na rin ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo para sa mid-year bonus kaya hindi problema kung i-a-advance ang pamamahagi nito sa mga empleyado ng gobyerno.