Ayon kay DENR Regional Executive Director Gwendolyn Bambalan, paraan ito upang matiyak ang regulasyon sa pagputol ng mga puno bilang bahagi ng pinaigting na forest protection at anti-illegal logging campaign ng ahensya.
Paliwanag ni RED Bambalan, ang regulasyon at pagbabawal sa paggamit ng mga chainsaw ay naaayon sa utos ni DENR Secretary Roy Cimatu na sugpuin ang illegal na aktibidad sa mga kagubatan at paghusayin ang mga pagsisikap upang mapangalagaan ang Inang Kalikasan.
Tugon din umano ang pansamantalang pagsusupinde sa pag-iisyu ng certificate of registration o ang permit to use chainsaws dahil isa itong nagiging dahilan na pinagmumulan ng mga ilegal na aktibidad sa kagubatan sa pamamagitan ng pagpuputol ng punongkahoy.
Isinasaalang-alang din aniya ang tatlong prinsipyo sa pagsugpo sa illegal na aktibidad. Una ay ang pinagmulan, kailangang suriin ang kalagayan ng mga kagubatan. Pangalawa ay ang ruta, kailangang tutukan ang kargamento sa pamamagitan ng ating north at south forest products monitoring checkpoints at pangatlo ay ang destinasyon kung saan kailangang tiyakin na lahat ng lumber dealers ay rehistrado sa DENR.
Hinimok namanng opisyal ang mga lumber dealers na mag-apply ng permit sa DENR para matiyak ang tamang regulasyon at monitoring ng ahensya.
Kaugnay nito, hiniling niya ang suporta ng law enforcement agencies gaya ng Philippine Army at Philippine National Police na i-turn over sa DENR ang lahat ng nakumpiskang chainsaw para sa kaukulang aksyon ng ahensya.
Sa ngayon, 312 mula sa 672 na inisyu na sertipikasyon ng rehistro ay nag-expire na, ayon sa Enforcement Division.