Tiniyak ni Senate Majority Leader Joel Villanueva, ang pagbibigay ng Kongreso ng sapat na pondo sa AKSYON Fund ng Department of Migrant Workers (DMW).
Kasunod na rin ito ng pagkaka-hostage ng Houthi rebels ng Yemen sa 17 Pinoy seafarers na lulan ng isang Israel linked cargo ship.
Ayon kay Villanueva, tinitiyak ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang pagbibigay ng budget sa AKSYON fund upang mabigyan ng agad na assistance o tulong ang ating mga distressed OFWs mula sa iba’t ibang bansa.
Ang nasabing pondo ang siya ring gagamitin para sa agarang pagbibigay ng tulong sa mga seafarers na na-hostage kamakailan.
Tulad ni Villanueva, kinalampag din ni Senator Risa Hontiveros ang Department of Foreign Affairs (DFA) at DMW na gamitin ang lahat ng diplomatic channels at available na resources para sa mabilis na pagpapalaya sa mga Filipino seafarers.
Umapela pa si Hontiveros, sa pamahalaan na habang naghihintay ng resulta sa rescue ang mga kamaganak ng mga na-hostage na seafarers ay bigyan din ang mga ito ng tulong tulad ng mental at emotional support at financial assistance.