Patuloy na makakatanggap ang mga health frontliner ng special risk allowance mula sa pamahalaan.
Ito ay matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Administrative Order No. 42, na nag-o-otorisa sa patuloy na pamamahagi ng COVID-19 Special Risk Allowance (SRA) sa public at private health workers na may direktang contact sa COVID-19 patients.
Ang special risk allowance ay hindi lalagpas sa ₱5,000 kada buwan sa health frontliners at exempted ito sa income tax.
Sa ilalim ng bagong kautusan, inatasan ni Pangulong Duterte ang national government agencies, government-owned and controlled corporations at local government units (LGUs) na ipagpatuloy lamang ang pagbibigay sa COVID-19 SRA.
Ang SRA ay ibabatay sa bilang ng araw ng mga health workers na nakakapag-report sa trabaho sa isang buwan, mula September 15, 2020 hanggang June 30, 2021.
Ang lahat ng SRA payment claims ay iba-validate ng Department of Health (DOH).
Ang pondo ay magmumula sa ₱13.5 billion sa ilalim ng Republic Act No. 11494 o Bayanihan to Recover As One Act.
Inatasan ng pangulo ang Department of Budget and Management (DBM) na ilabas ang pondo batay sa budgeting at accounting rules.