Mas hihigpitan ng Bureau of Immigration (BI) ang pagbibigay ng special working permits sa mga dayuhang planong magtrabaho sa Pilipinas.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval – parehong nasa mandato ng kanilang kawanihan at ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pamamahala sa mga foreign nationals na nagtatrabaho sa bansa.
Kada dalawang taon, irerekomenda ng BI sa Inter-Agency Task Force na i-review ang lahat ng polisiya na namamahala sa mga foreign national para mai-angkop ito sa pabago-bagong trend o kalakaran ng mga dayuhang nagtatrabaho sa bansa.
Sa kanyang veto message, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na kailangang magkaroon ng collaborative effort ang national government agencies para pagtuunan ng pansin ang mga problemang dulot ng pagdagsa ng foreign workers sa bansa.
Mahalaga aniya na magtulungan ang BI at DOLE sa responsibilidad na i-regulate ang bilang ng alien employment sa Pilipinas.