Pagbibigay ng sports voucher para sa pagsasanay ng mga batang atleta, pasado na sa Kamara

Inaprubahan na ng Mababang Kapulungan ang panukalang magbibigay ng sports voucher sa mga batang atleta na kanilang magagamit sa kanilang pagsasanay at pagbili ng mga sports equipment.

275 ang mga kongresista na bomoto pabor sa House Bill No. 8495 o An Act Strengthening Local Sports Programs to Develop Young Athletes.

Sa ilalim ng panukala ay tatlo ang ilalatag na programa: Get Started Fund, Get Going Fund and Get Playing Fund, na pangangasiwaan ng Philippine Sports Commission o PSC.


Ang Get Started Funds ay nagkakahalaga ng P3,000 na magagamit sa pagbabayad ng membership, registration, o participation fee, training at general fee at maipambibili rin ng mga gamit ng atletang wala pang 18 taong gulang.

Ang voucher ay maaaring gamitin sa sports club, recreation club, sports association o organization na accredited o kinikilala ng PSC.

Ang Get Going Fund at Get Playing Fund naman ay taunang funding support na nagkakahalaga ng P50,000 at P500,000 para sa mga sports clubs, organisasyon, o asosasyon.

Magagamit ang Get Going Fund sa mga kinakailangan para sa sports development, samantalang ang Get Playing Fund ay para sa pagpapaganda ng sports facilities.

Facebook Comments